Counterproductive at mas hihina ang tiwala ng publiko sa national vaccination program kapag kaduda-duda umano ang pinaiiral na polisiya ukol dito ng Department Of Health (DOH).
Ito ang babala ni Sen. Risa Hontiveros sa “brand agnostic vaccine policy” ng DOH kung saan hinihikayat ang mga local government unit na huwag i-anunsyo ang brand ng gagamiting bakuna para maiwasan daw ang pagsisiksikan sa vaccination site kung saan available ang brand ng bakuna na gusto ng nakararami.
Ayon kay Hontiveros, senyales ito na malaki ang pagkukulang ng DOH sa pagkumbinse sa mga tao na garantisadong ligtas at mabisa ang mga aprubadong bakuna, anuman ang brand name nito.
Kaugnay nito, umaasa ang Senadora na irerekonsidera ng DOH ang naturang patakaran.
Mahalaga aniyang irespeto ang mga pasyente kung saan bago sila bakunahan ay dapat abisuhan kung ano ang brand ng bakunang ituturok sa kanila para sila makapag desisyon at magkaroon ng kapanatagan.- ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)