Kasabay ng pagbisita nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential candidate Inday Sara Duterte ang pormal na pag-endorso ng mga opisyal ng Lungsod ng Valenzuela City sa UniTeam sa pangunguna ni Mayor Rex Gatchalian.
Ginanap sa Wellness Entertainment Sports (WES) Arena sa Brgy. Punturin ang grand rally ng BBM-Sara UniTeam na isa sa natatanging world-class multi-sports arena sa bansa.
Hindi pa man nagsisimula ang programa libo-libong supporters na ng BBM-Sara UniTeam ang nag-abang sa labas ng arena, bakas sa kanilang mukha ang pag-asa at pananabik na makita ang kanilang pambatong presidente at bise-presidente.
Nagpasalamat naman si Marcos sa mga taga-Valenzuela, at aniya ay kitang-kita nila na may pagkakaisa sa lungsod dahil sa mainit na pagsalubong ng mga ito sa UniTeam.
“Nais kong magpasalamat sa mga taga-Valenzuela sa mainit na pagsalubong ninyo, sa tambalang Marcos-Duterte at sa buong UniTeam. Kami sa UniTeam ay hangad namin ang pagkakaisa, sa naranasan ko ngayon dito sa Valenzuela nagkaroon na talaga ng UniTeam (pagkakaisa),” ayon kay Marcos.
Giit naman ni Mayor Sara na UniTeam ang tawag sa kanila dahil naniniwala siya na sa pagsasama at pagkakaisa magagawa ang lahat para sa bansa.
“Bakit UniTeam? Dahil naniniwala ako na ‘In unity there is strength’, sa pagsasama at pagkakaisa magagawa natin lahat para sa bansa,” ayon naman kay Mayor Sara.
Halos magkasabay na dumating sina Bongbong at Sara, at agad silamg sinalubong ng hiyawan at sabay-sabay na sumisigaw ng paulit-ulit na, “BBM, Marcos pa rin, Duterte.”
Hindi naman mapigilan ang paglapit ng mga tagahanga sa tambalang BBM-Sara habang papasok sa arena, kitang-kita ang pagmamahal at solidong suporta ng mga taga-Valenzuela sa kanila.
Kilalang balwarte ng isa sa tumatakbong senador sa ilalim ng UniTeam na si Sen. Win Gatchalian ang Lungsod ng Valenzuela.
Aniya sa mga taga-Valenzuela, “ Dalhin ninyo ang pagmamahal at suporta na ibinigay niyo sa akin sa BBM-Sara UniTeam, dala nila ang mensahe ng pagkakaisa para sa ating bansa.”
“Kung paano ninyo ako sinuportahan at minahal, dalhin natin ito sa ating susunod na presidente ng Pilipinas Bongbong Marcos at susunod na bise-presidente Mayor Inday Sara, dala nila ang mensahe ng pagkakaisa,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.
Ramdam naman ng mga taga-Valenzuela ang pag-asa dahil sa pagsasama ni Marcos at Duterte.
Sinabi ng host ng programa na iba ang pakiramdam na makita silang magkasama “at ngayon pa lang ay bangon na bangon na ang Pilipinas.”
Bago matapos ang programa ay pormal nang inindorso ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang tambalang BBM-Sara, aniya sa lahat ng mga tumatakbong pangulo ng bansa si Marcos lang ang may mensahe ng pagkakaisa at napatunayan ito sa pagsasama nila ni Mayor Sara Duterte.
“Ang Valenzuela City po ay buong pusong susuportahan ang BBM-Sara UniTeam,” deklarasyon ni Mayor Rex Gatchalian.
“Alam ninyo, ang higit na umakit sa akin na sumama sa UniTeam ay ‘yung mensahe nilang pagkakaisa, isang pangulo lang na kandidato, isang lider lang ay may mensahe ng pagkakaisa, walang oras pumatol, walang oras umaway, lalong napatunayan ito nang magsama sila ni Mayor Sara,” dagdag pa ng alkalde.