Aarangkada nang muli ang Oplan Tokhang ng Philippine National Police o PNP.
Ayon kay Police Chief Superintendent Dionardo Carlos, Spokesman ng PNP, tinatapos na lamang ang orientation ng mga magsisilbing ‘tokhangers’ o mga pulis na kakatok sa bahay ng mga hinihinalang sangkot sa illegal drugs.
Ang mga bahay aniya na kakatukin ng ‘tokhangers’ ay magmumula sa watchlist ng mga barangay at isasagawa lamang sa araw ang pag-tokhang upang maiwasan ang pagdududa.
At upang lalo pang mawala ang duda sa tokhang, mag-iimbita rin aniya sila ng mga kinatawan mula sa religious sector, human rights groups, NGOs at media.
“Napo-proseso po sila kung paano maibibigay, iba-ibang level po yan, kapag halimbawa community-based lang ang kanyang recovery program na kailangan o exercises, yun po ang ibibigay natin at hindi po natin sila awtomatikong ilalagay sa mga rehabilitation program.” Ani Carlos
Samantala, aminado si Carlos na armado pa rin ang mga pulis na magsasagawa ang Oplan Tokhang.
Gayunman, gagamitin lamang aniya ng mga pulis ang kanilang baril kung magkakaroon ng aktual na paglabag ang residente ng bahay na kanilang tino-tokhang.
“Ang amin po ay magpatupad ng batas, but the role of the tokhangers, hindi po naaalis yung pagiging alagad ng batas habang nagsasagawa ng tokhang, ang amin po ay we will be doing properly the tokhang in uniform, asking by other sector for transparency purposes.” Pahayag ni Carlos
(Ratsada Balita Interview)