Nagsisimula nang magbalot si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino bilang paghahanda sa pagbibitiw nya sa puwesto.
Ayon kay Tolentino, anumang araw mula ngayon ay isusumite na niya sa Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang resignation letter upang paghandaan naman ang pagtakbo niya bilang senador.
Sa kabila ng mga inaabot niyang batikos dahil sa masikip na daloy ng trapiko, naniniwala si Tolentino na marami rin siyang legacy na iiwan sa MMDA.
Sa ilalim anya ng kanyang panunungkulan ay napag-isa niya ang mga alkalde sa Metro Manila.
Sa loob rin aniya ng 5 taon niya sa MMDA, marami na siyang nadaanang mga kaganapan na maayos naman nilang naisagawa tulad ng Papal visit, ang taunang pista ng Nazareno, sentinaryo ng Iglesia ni Cristo noong nakaraang taon, pagtulong sa gitna ng mga kalamidad at mga mass actions.
“Nagawa po natin lahat ‘yun without too much funfair, ofcourse may mga mali, may mga tao tayong hindi gumagawa ng tama at inaaksyunan naman po natin ‘yun, pero in terms of disaster preparedness ay kahit saan po tumutulong talaga ang MMDA, so naiwan po natin yung ganun.” Ani Tolentino.
Ayon kay Tolentino, suportado ng buong Cavite ang kanyang pagtakbo bilang Senador sa 2016.
Sa kauna-unahang pagkakataon aniya, walang kinilalang kulay o partido ang mga malalaking pangalan sa pulitika sa Cavite at nagka-isang itulak ang kanyang kandidatura bilang senador.
“Lahat po ng magkakalabang pulitiko sa Cavite nagkaisa, first time in history po ‘yan, ang Cavite po kasi ay may history po ‘yan ng violence, mahaba po ‘yan, pero ngayon po ang pinag-uusapan na lang po ay peace and progress,so napakaganda po niyan.” Paliwanag ni Tolentino.
By Len Aguirre | Ratsada Balita