Posibleng bumungad sa mga motorista sa susunod na taon ang toll fee hike ng North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Ito’y makaraang ihayag ng Toll Regulatory Board na pinag-aaralan na nila kung aaprubahan ang hirit na 21 porsiyentong singil sa toll ng NLEX.
Sinasabing tatlong beses nang nabinbin simula noong 2012 ang petisyon ng Metro Pacific Tollways Corporation bunsod ng nilagdaang kontrata ng kompanya sa gobyerno na nagsasaad na maaari lamang itong magtaas-singil kada dalawang taon.
Subalit paliwanag ni TRB consultant Bert Suansing, kapag naaprubahan, mula P45 ay magiging P54 ang singil sa mga sasakyang daraan mula Balintawak sa Quezon City hanggang Bulacan.
Kasabay nito, nag-abiso rin ang pamunuan ng SLEX para sa hiwalay nilang hirit na taas-singil.
Sa kabila nito, tiniyak ng TRB na kung maaaprubahan ito, hindi isang bagsakan ang toll hike at maaaring utay-utayin ang dagdag-singil para hindi maging mabigat sa mga motorista.