Maghihintay si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian hanggang alas-5:01 ngayong hapon sa paliwanag ng pamunuan ng NLEX Corporation hingil sa matinding trapiko sa expressway.
Kasunod na rin ito ng banta ni Gatchalian na sususpindihin ang business permit ng NLEX Corporation kapag hindi nakapagpaliwanag ng maayos ang kumpanya sa loob ng 72 oras sa matinding sakit ng ulong dinaranas ng mga motorista sa pagdaan sa NLEX.
Tinukoy sa DWIZ ni Gatchalian ang malaking perhuwisyo lalo na sa mga negosyong ng matinding trapiko sa NLEX kung saan ang dating 12 beses na biyahe ng mga goods ay nagiging kalahati na lamang.
Mamayang 5:01 at hindi satisfactory ‘yung ginawa niyong hakbang, isu-suspend ko ‘yan, so you’ll have to re-applied, so, baka mas maganda mag-toll holiday nalang muna sila. Sa bawat serbisyong binayaran mo, dapat palitan ng maayos na serbisyo. E, bat sila mangongolekta ng prepaid? Kumuha na sila ng pera sa atin pero hindi nila kayang tumbasan ng maayos na serbisyo. ‘Di ba, dapat lang, kahit na anong negosyo magbigay muna ng concession sa mga tao na naperwisyo nila?” ani Gatchalian.
Sakali mang mabigong masolusyunan ang matinding trapiko, sinabi ni Gatchalian na walang choice ang NLEX Corporation kundi mag-toll holiday.
Nilinaw ni Gatchalian na epektibo pa rin ang concession agreement ng kumpanya sa national government bagamat wala itong business permit para makapag-operate.
Bawal silang mangolekta. Will have to stop collecting kasi wala na silang karapatan mangolekta, pero, at the same time, they will still have to let everybody pass because, you have to remember, buhay pa ang kanilang concession agreement mula sa pamahalaang nasyonal,” ani Gatchalian. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882