Tuloy pa rin ang toll holiday sa North Luzon Expressway (NLEX)na sakop ng Valenzuela City.
Ito ang inihayag ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian matapos makipagpulong sa Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang operator ng NLEX Corporation.
Ayon kay Gatchalian maituturing niyang draw o wala pa rin silang ganap na napagkasunduan ng MPTC hinggil sa problema sa RFID system na nagdudulot ng pagbigat ng trapiko.
Paliwanag ni Gatchalian, nagkaroon lamang sila ng unawaan sa consumer related issues tulad ng nawawalang load sa RFID sticker, double charging, late na pag-credit ng load at tinawag na ghost rider o nabawasang load kahit hindi ginamit.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na hindi naresolba ang isyu hinggil sa pagbigat ng trapiko matapos na igiit ng MPTC na manatiling nakababa ang mga barrier sa toll gate at itataas lamang sa mga maituturing na extreme situation.
Aniya, hindi ito makatuwiran kung nagkaroon ng pagkakataong nagkaltas ang nlex sa RFID load ng mga motorista habang nakataas ang barrier sa gitna ng toll holiday.