Nakahanda na ang mga tollways para sa inaasahang busgo ng mga motorista sa NLEX at SLEX.
Ayon sa pamunuan ng NLEX, inaasahan nilang tanghali ng Miyerkules Santo dadami ang mga sasakyang daraan sa NLEX.
Dahil dito, mahigpit na babantayan ang mga toll point ng NLEX sa Balintawak, Mindanao Avenue at Tarlac.
Nakahanda naman ang pamunuan ng NLEX na dagdagan ang kanilang collection points kung kinakailangan para hindi maipon ang mga sasakyan.
Payo naman sa mga aalis sa Metro Manila, planuhin maigi ang biyahe ngayong Semana Santa.
Ilang Pinoy maagang bumiyahe paprobinsya bago ang Holy Week
Nagsimula nang magsiuwian ang mga pasahero palalawigan bago pa man ang inaasahang exodus sa Lunes.
Ito ay para makaiwas sa inaasahang dagsa ng mga pasahero lalong lalo na sa Miyerkules Santo.
Ayon sa tala ng Araneta Bus Terminal, mula sa 3,000 karaniwan nilang pasahero kada araw pumapalo anila ito sa mahigit 6,000 pagsapit ng Holy Week.
Sa 17 bus terminal sa Araneta Bus Terminal na may bumabiyaheng 70 units kada araw karaniwan itong kinukulang pa ang mga ito tuwing Holy Week kaya’t kinakailangan ng special permit para sa mga biyaheng inaasahang marami ang pasahero gaya ng pa Bicol, Legazpi, Northern Samar at Tacloban.
Paalala naman ng Araneta Bus Terminal sa mga pasahero, huwag magdala ng malalaking bagahe, matutulis na bagay, flammable objects at mga alagang hayop upang hindi madelay ang biyahe.