Tone-toneladang bangus ang nasawi dahil sa matinding init sa Dagupan, Pangasinan gayundin ang ilang manok sa Vintar, Ilocos Norte.
Nabatid na napilitan ang ilang bangus growers na kunin na lamang ang libu-libong bangus mula sa mga fish pond kahit maliliit pa ang mga ito kaysa mangamatay dahil sa matinding init ng panahon.
Tiniyak naman ni Vlad Mata, OIC ng Dagupan Agriculture Office, na sapat ang supply ng bangus sa mga palengke sa lungsod.
Samantala, dalawang manok ang namamatay sa bayan ng Vintar kada araw simula nitong Sabado kahit pa pinipilit ng mga may-ari na painumin ng tubig ang mga ito.
Sinabi naman ng Ilocos Norte Provincial Veterinary Office na maaaring dehydrated ang mga manok dahil sa matinding init kaya’t dapat ilagay ang mga ito sa malamig lamig na lugar.