Inaasahang mas magiging pahirapan para sa Gilas Pilipinas ang paglusot sa Olympic qualifying tournament na gaganapin sa Hulyo.
Ito ay matapos ianunsyo ni San Antonio Spurs Point Guard Tony Parker na lalahok ito sa naturang qualifying tournament para sa koponan ng France.
Ayon kay Parker, wala nang hadlang pa sa kanyang paglalaro para sa France matapos siyang payagan ng kanyang asawa na lumaban bilang kinatawan ng kanilang bansa.
Una rito, pinipigilan si Parker ng kanyang asawa dahil sa nakatakda nitong isilang ang kanilang anak sa ikalawang linggo ng Hulyo.
Pero sinabi ni Parker na sa huli ay nagkasundo rin aniya silang mag-asawa sa kondisyong dapat itong mag-uwi ng medalya.
Dagdag pa ni Parker na isa itong malaking sakripisyo ngunit excited na aniya siyang pangunahan ang France hanggang sa Rio Olympics na gaganapin naman sa Agosto.
By Ralph Obina