HINDI napigilang maluha ni Susan ‘Toots’ Ople, ang pinakabata sa pitong anak ni dating Labor Secretary at Senador Blas Ople, matapos banggitin ni presidential frontrunner dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na ang ama nito ay ‘champion of labor.”
Si Blas ay nagsilbing labor chief sa loob ng 17 taon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at nakilala sa kanyang malaking ambag sa sektor ng paggawa kabilang ang pagkakaroon ng trabaho ng mga Pinoy sa abroad, bukod pa diyan na siya ang isa sa pinakamagaling na taga-payo ni Marcos noon.
Sa town hall meeting kamakailan kasama ang mga kinatawan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Quezon City, siniguro ni Marcos na magtatalaga siya ng magaling at pro-labor na kalihim sa labor department.
“Siyempre, ang pinakauna maghanap tayo, makikinig ako sa inyo, sino ang mga dapat na maging secretary, undersecretary diyan sa mga departments na iyan at mga ahensya ng government para talagang represented kayo,” ani Marcos.
“Yung champion ng labor talaga noon si Ka Blas, Blas Ople hindi ba? Yun talagang naiitindihan talaga nya at saka nakikita ko pinapaliwanag nya sa matanda, sa father ko. Talagang pinaglalaban nya nang mabuti. Mahusay naman talaga kaya nakikinig yung aking ama. Ganon din ang gagawin natin,” dagdag niya.
Nasa 40 taong gulang pa lamang noon si Ople, nang italaga siya ni Marcos noong 1967 bilang kalihim ng labor department at hinawakan niya ang pwesto sa loob ng 17 taon.
Noong 1975, si Ople ang kauna-unahang Filipino president ng International Labor Organization. Hinangaan siya dahil sa kanyang acceptance speech na gumamit ng purong Filipino ang salita.
Dumalo rin si Susan sa naturang town hall meeting at umamin na hindi niya napigilang maiyak nang banggitin ni Marcos ang pangalan ng kanyang ama.
“Naiyak talaga ako, kasi na-recognize niya ang ginawa ng aking ama,” saad ni Susan.
Pagkatapos ng okasyon, agad itong nakipagkita ng personal kay Marcos para magpasalamat at magpa-litrato. “Salamat po sa pagbanggit sa pangalan ng ama ko,” ani Susan kay Marcos.
“Magaling naman talaga ang father mo,” sagot naman ni Marcos.
Si Susan ang pangulo ngayon ng Blas Ople Policy Center na tumutulong sa mga inaaping OFW
Sa naturang town hall meeting, siniguro ni Marcos Jr. na ang kanyang prayoridad ay protektahan ang mga manggagawa bilang bahagi pa rin ng kanyang programa para makabangon mula sa pandemya.
“When it comes to labor, my number one priority is to protect the labor force, doon natin unahin and from there magpo-flow na basta’t maayos ang ating pagtrato sa ating mga workers, I think the rest of all of the issues will flow from that,” ani Marcos, na sinalubong ng sigawan at palakpakan ng mga manggagawa.
Napag-usapan din sa pulong ang iba pang mga isyu at pangangailangan ng mga manggagawa kasabay ang paglalatag ni Marcos ng kanyang mga programa para sa kanila.
Nagpahayag din ng interes si Marcos para gawing priority bill ang Security of Tenure Act, na naglalayong amyendahan ng Labor Code para ma-protektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa.