Naaresto na ng mga tauhan ng Taguig City Police Station ang top 20 most wanted person ng Capiz Provincial Police para sa fourth quarter ng 2021.
Kinilala ang suspek na si Rodney Felomino, 27-anyos na residente ng Phase 2, bgy. Pinagsama, Capiz at naaresto sa Taguig City.
Nabatid na nahuli ang suspek sa ikinasang joint manhunt operation ng pinagsanib pwersa ng mga tauhan ng technical support division at warrant and subpoena unit ng Taguig Police, Provincial Intelligence Unit, Jamindan Municipal Police Station At Provincial Highway Patrol Team dahil narin sa bisa ng warrant of arrest for rape.
Ang kinakaharap na kaso ni Felomino ay walang inirerekomendang piyansa kaugnay sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation And Discrimination Act na inisyu ni Judge Judith Orendain-Tonogbanua ng Regional Trial Court Branch 20 sa Mambusao, Capiz na inihain noong July 18, 2017.
Sa ngayon, hawak na ng custodial facility ng Taguig Police ang suspek habang hinihintay pa ang paglabas ng commitment order mula sa court of origin. —sa panulat ni Angelica Doctolero