Nahuli na ang number 2 Provincial Top Most Wanted Person sa pinagtataguan nito sa Barangay 13 Baay, Batac City, Ilocos Norte, matapos ang 33 taong pagtatago.
Kinilala ni Brig. Gen. John Chua, Regional Director ng Police Regional Office-1, ang nadakip na si Nestor Bagaoisan na pumatay sa isang construction worker noong 1984.
Ayon kay Chua, si Bagaoisan ay dating Patrolman noong panahon ng Philippine Constabulary-Integrated National Police, ngunit natanggal sa trabaho dahil sa Absent Without Official Leave.
Namasukan naman ito bilang Security Supervisor sa isang mall hanggang sa masangkot ito sa kasong pagpatay.
Agad namang nagtago ang suspek matapos ilabas ni Judge Reynaldo Maulit ng Branch 18, Regional Trial Court ng Batac City sa Ilocos Norte ang Warrant of Arrest noong 1989.
Iniulat naman ni Lt. Col. Adrian Gayuchan, Chief of Police ng Batac MPS. na agad na nagsagawa ng operasyon ang kanilang hanay kasama ang iba pang kaukulang ahensya matapos ibalita sa kanila ng isang concerned citizen na bumalik na ang suspek sa bahay nito.
Kaugnay nito, hindi na nakapalag nang dakipin sa bisa ng Warrant of Arrest si Bagaoisan na inakalang abswelto na ito sa kanyang kaso. —sa panulat ni Hannah Oledan