Binalot ng dilim ang ilang bahagi ng Cotabato City at Maguindanao matapos na bombahin ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang tower ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines sa North Cotabato, kagabi.
Ayon sa NGCP, ang kanilang 138 kilovolt tower number 106 sa Barangay Manarapan, Carmen na nagsusuplay ng kuryente sa Cotabato City at Maguindanao ay bumagsak matapos pasabugan.
Sinabi naman ni Arlene Hipega ng Cotabato Light, nagawang mailawan ng NGCP ang Cotabato City dakong alas-6:11 kaninang umaga makaraang makakuha ng suplay mula sa Tacurong City.
Gayunman, kailangan pa ring aniyang magpatupad ng rotational brownout simula kaninang alas-8:00 ng umaga dahil sa kakulangan ng suplay.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Carmen Police Chief; Chief/Insp. Julius Malcontento na patuloy pa nilang iniimbestigahan ang insidente at inaalam kung ilang bomba ang ginamit ng mga salarin.
Wala pa ring napaulat na grupong umaako sa pangyayari.
—-