Naitala ngayong araw ng Philippine National Police (PNP) ang pinakamababang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.
Batay sa datos ng PNP Health Service, 4 na bagong kaso ang kanilang naitala kaya’t pumalo lamang sa 42,184 ang kabuuang bilang ng mga pulis na tinamaan ng virus.
Mula sa nabanggit na bilang ay bumaba rin ang naitalang active cases ng COVID-19 sa PNP na nasa 79 kumpara sa 86 na naitala kahapon.
Kasunod nito, nakapagtala rin ang PNP ng 11 mga bagong gumaling sa sakit kaya’t umakyat na sa 41,980 ang total recoveries habang nakapako naman sa 125 ang kanilang death toll.
Samantala, mula sa kabuuang mahigit 225 libong pwersa ng PNP ay nasa 210,230 rito o katumbas ng 93.13 porsyento ang fully vaccinated na sa virus habang may 13,550 o nasa 6 na posyento pa ang nakakuha na ng 1st dose. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)