Nagpatupad na rin ng total ban sa paputok ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City.
Batay sa ipinalabas na ordinansa ng Valenzuela City, mahigpit na ipinagbabawal ang paggawa, pagbebenta, pamamahagi, pagmamay-ari, paggamit o paglalaro ng anumang klase ng paputok at pyrotechnics sa lungsod.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gachalian, nagpasya silang i-ban ang mga paputok at pailaw kasunod na rin ng pakiusap ng mga medical frontliners.
Aniya, nais ng mga ito na mas matutukan na lamang ang pagtugon sa mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19) at hindi na mahati pa ang kanilang atensyon sa mga biktima ng paputok.
Maliban dito, sinabi ni Gatchalian na maiiwasan din ang pagkukumpulan ng mga tao na maaaring mauwi sa malawakang hawaan ng COVID-19 kung mahigpit ding ipagbabawal ang anumang pyrotechnic devices.
Hinimok ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang mga nagtitinda ng paputok at pailaw sa lungsod na maghanap na ng ibang mapagkakakitaan.
Kasunod na rin ito ng pagpapatupad ng total ban sa firecrackers at fireworks sa lungsod ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, kanilang tutulungan ang mga nabanggit na negosyante na magpapalit at papasok sa bagong negosyo.
Sinabi ng alkalde, kada taon ay kumokonti na rin ang gumagamit ng paputok na maaaring isang palatandaan na namamatay na ang industriya. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882