Posibleng irekomenda ng Senate Committee on Ways and Means ang total ban ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Ito ang inamin ni Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng kumite, matapos ang tatlong pagdinig hinggil sa mga issue sa POGO.
Ayon kay Gatchalian, marami pang nabunyag sa kanilang ginawang pagdinig kahapon tulad ng hindi tamang nakokolektang buwis sa POGO dahil sa kwestyunableng kredibilidad ng 3rd party auditor.
Lumitaw anya na mas malaki ang idinideklara ng pogo kaysa sa Philippine Amusement and Gaming Corporation habang mababa sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya mali ang nakokolektang buwis.
Una nang inihayag ng senador na target nilang maipalabas at maisumite sa plenaryo ang committee report o rekomendasyon kung tuluyan na bang paaalisin o pananatilihin sa bansa ang mga pogo.
Dahil dito, namemeligrong mawalan ng trabaho ang nasa 20,000 pinoy POGO workers. —Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)