Inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources o DENR, Department of Tourism (DOT) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang total closure ng isla ng Boracay.
Sa isinagawang pagpupulong nina Environment Secretary Roy Cimatu, Tourism Secretary Wanda Teo at Interior and Local Government Officer in Charge Eduardo Año, kanilang napagkasunduan na posibleng umaabot ng hanggang isang taon ang pagsasara sa turismo ng isla.
Ayon kay Cimatu, sa nabanggit na panahon ay tututukan ang paglilinis at rehabilitasyon ng Boracay partikular ang pagsasaayos ng sewerage system sa isla.
Bagama’t wala pang eksaktong petsa kung kailan sisimulan ang total closure, sinabi ni Cimatu na magiging epektibo ito isang buwan matapos ang pormal na deklarasyon.
Inaasahan namang magpapalabas ng pinal na desisyon ang Malacañang hinggil sa usapin sa isla ng Boracay sa Marso 26.
Samantala, tinalakay rin sa naging pagpupulong ng tatlong kalihim ang isasagawang pag-aaral naman sa kondisyon ng iba pang tourist destinations sa bansa tulad ng Palawan, Mindoro provinces, Ilocos at Bohol.
—-