Total lockdown.
Ito ang mungkahing ipatupad ni House and Means Committee Chairman Joey Salceda sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng dumarami pang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Salceda, isang linggo lamang tatagal ang total lockdown na kanyang iminumungkahi.
Giit ng kongresista, kailangang magpatupad ng total work stoppage sa NCR upang lubusang mabawasan ang exposure ng publiko sa naturang virus.
Malaking kabawasan aniya kung magiging 13-milyon na lamang ang populasyon sa Metro Manila mula sa karaniwang 20-milyon kada araw.
Sa pamamagitan aniya nito ay mailalayo sa panganib ang nasa 6-milyong manggagawa.
Kasunod nito, nais din ni Salceda na magkaroon ng pagpapahinto sa transportasyon sa Metro Manila, maliban na lamang sa mga ‘essential services’.
Dagda pa ng kongresista, mayroong mga ‘leakage’ o butas sa implementasyon ng umiiral nang community quaratine sa Metro Manila na magdudulot aniya ng panganib sa mga manggagawa.