Nanawagan ang isang grupo para sa total system upgrade at privatization ng Edsa busway at bus service, at privatization ng mga commuter railway system.
Ito ay para mapabuti ang karanasan ng mga commuter sa Metro Manila.
Ipinanukala ng Management Association of the Philippines (MAP) ang pagtataas ng kapasidad ng busway station platforms para ma-accommodate ang mas maraming commuters at magbigay daan sa sabay-sabay na pagdaong ng mga bus.
Umapela rin ang MAP para sa pagtatayo ng mas maraming istasyon para ma-isara ang mga agwat sa pagitan ng mga istasyon at footbridge para masubaybayan ang pagtatayo ng mga nai-donate na footbridge.
Itinulak din ng grupo ang pag-o-augment ng mga sasakyan sa Edsa carousel, MRT-3, LRT-1 at LRT-2, at ang Philippine National Railway (PNR).
Nanawagan din ang MAP kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-isyu ng executive order na magmamandato sa mga relevant agency na sundin ang national transport plan ng 2017.
Sa ilalim ng panukala, sinabi ng grupo na ipa-prioritize ng gobyerno ang mobilidad ng publiko sa pamamagitan ng Public Transportation at Active Mobility tulad ng paglalakad, pagbibisikleta sa pamamagitan ng paglalaan ng mga espasyo sa kalsada para sa naturang mga layunin. – sa panulat ni Hannah Oledan