Kumpirmado na ang pagbibitiw sa puwesto ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teo, isinumite ng kalihim ang resignation letter nito kay Executive Secretary Salvador Medialdea bago pa man magsimula ang cabinet meeting sa Malacañang kahapon.
Iginiit ni Topacio, sariling desisyon ni Teo ang magbitiw sa puwesto at hindi ito hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanya.
Ang pasya aniya ng kalihim ay kasunod na rin ng mahaba at mahinahong pagninilay-nilay matapos ng kinasangkutang isyu sa pagbabayad ng 60 milyong piso ng Department of Tourism sa programa ng kapatid nito sa PTV-4.
Sa kanyang regular press briefing sa Malacañang, kinumpirma rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pagsusumite na ng resignation letter ni Teo matapos makatanggap ng confirmation text mula kay Medialdea.
Hindi naman masabi ni Roque kung tinanggap na ito ng Pangulo at kung may kaugnayan ito sa isinagawang imbestigasyon ng Office of the Executive Secretary.
Samantala, ipinauubaya naman ng Malacañang sa Ombudsman ang pagpapasiya kung kakasuhan si Teo kaugnay ng naturang kontrobersiya.
(Photo Courtesy SAP Bong Go)