Inihahanda na ng Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Researh Institute (DOST-PNRI) ang pagsasailalim sa test ng mga ibinebentang toyo sa merkado.
Ito ay upang mabatid kung anong mga brand ng mga ibinebentang toyo sa mga pamilihan ang peke.
Ayon kay DOST-PNRI nuclear analytical techniques application section head Raymond Sucgang, kanilang aalamin kung aling brand ng toyo ang gawa sa tunay na fermented soy beans o binurong soya at kung alin ang flavoring na lamang.
Sinabi ni Sucgang, layunin ng kanilang hakbang ang igiit sa mga manufacturers ang paglalagay ng tamang label at presyuhan sa kanilang mga produkto.
Magugunitang nagsagawa rin noon ng testing ang DOST-PNRI sa iba’t ibang brand ng mga suka para matukoy kung alin sa mga ito ang nagtataglay ng mapanganib na synthetic acid.