Tuluyan nang inaprubahan ng National Economic and Development Authority Board (NEDA) Board, sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ilang proyekto ng pamahalaan na makatutulong na makamit ang layunin para sa bansa na pagkakaroon ng genuine economic at social transformation.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na patuloy ang dedikasyon ng Marcos administration para maisulong ang mga proyekto salig sa 8-Point Socioeconomic Agenda at mga istratehiya sa ilalim ng “Philippine Development Plan 2023-2028.”
Ayon kay Balisacan, kabilang sa inaprubahan ng NEDA Board ang 59.4-kilometer Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) Extension Project na tumutugon sa guidelines ng Investment Coordination Committee (ICC).
Ang four-lane expressway highway na mayroong estimated project cost na P23.4 billion ay magdurugtong sa Ilocos Region patungong Central Luzon at Metro Manila.
Inaasahang makatutulong ito sa economic activity, mapagbubuti ang road, magbibigay ng mas maayos at ligtas na road access, at maaari pang makalikha ng bagong growth centers sa mga kalapit na rehiyon.
Ang TPLEX Extension Project ay ipatutupad sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, kinumpirma rin ng Board ang ICC guidelines para sa LGU PPP projects, para sa pagproseso ng PPP proposals ng mga local government units (LGUs).
Sa ilalim ng nasabing guidelines, binibigyang halaga ang gampanin ng regional development councils at iba pang local development councils sa pagtitiyak na ang mga LGU projects ay nakalinya sa national development plans at priorities.
Ayon sa Board, inaprubahan din ng ICC ang Philippine Rural Development Projects (PRDP) Scale-Up or PRDP Scale-Up ng Department of Agriculture.
Tinatayang nasa P45.01 billion ang halaga ng nasabing proyekto.
Nabatid na sa pamamagitan ng PRDP Scale-Up, inaasahang mas maisasaayos pa ang agricultural productivity, maitataas ang income opportunities at mapagbubuti ang pamumuhay sa rural communities sa bansa.
Kasunod naman ng pulong ng NEDA Board, isinailalim din sa review ang unang progress report at infrastructure flagship projects (IFPs) sa ilalim ng Build Better More program ng Marcos admin.
Pahayag ni Balisacan, sa 194 IFPs ay 68 ang ongoing; 25 ang aprubado na para sa implementasyon; 9 ang hinihintay pa ang government approval; at ang nalalabi ay nasa proseso pa ng project preparation o pre-project preparation.
“To recall, these high-impact infrastructure projects are designed to address the nation’s infrastructure deficit to revive driving sustainable economic growth across priority sectors of our economy. In total, IFPs have an estimated cost of P8.3 trillion,” dagdag pa ni Balisacan.