Hindi na pagbibigyan pa ng Human Rights Victims’ Claims Board o HRVCB ang mga claimants na biktima ng martial law na magbabalak na umapela para mabayaran ng danyos o bayad pinsala.
Ayon kay Human Rights Victims’ Claims Board Chairperson Lina Sarmiento, hanggang ngayong araw na lamang, Mayo 11 ang kanilang trabaho at madi- dissolve na ang kanilang tanggapan.
“Nagsimula tayo February 2014, at ang sabi ng batas hanggang May 12, 2018 na lang kami, bukas, pero ang opisina natin hanggang ngayong na lang. Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng suporta sa atin.” Ani Sarmiento
Sinabi ni Sarmiento na nasa 11,103 ang kabuuang bilang nang makatatanggap ng kompensasyon mula sa mahigit 70,000 claimants na nag-apply sa kanila.
“Karamihan naman ay kumpleto ng requirement pero ang pinag-uusapan ay ang laman ng requirements, ‘yun ang mahalaga. Nasa 75,000 (human rights victims) ang nag-apply at ang nakapasa ay 11,103.” Pahayag ni Sarmiento
Paghahati- hatian aniya ng mga ito ang sampung bilyong piso na sa narekober ng gobyerno ng Pilipinas mula sa secret Swiss bank deposits ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“Meron kaming mga dinesisyunan na 6,737 na mga appeals, ‘yung mga appeals na umabot ng hanggang nung Lunes ay dinesisyunan pa rin ng board, after niyan no further appeals na po, hindi na po talaga.” Dagdag ni Sarmiento
(Balitang Todong Lakas Interview)