Suspendido ng isang linggo ang pasok sa trabaho ng mga kawani ng pamahalaan na nakabase sa bahagi ng PICC o Philippine International Convention Center simula sa Oktubre 22 hanggang 28.
Batay sa Memorandum Circular Number 30 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ito’y para bigyang daan ang isasagawang 12th Conference of the Parties to the Convention on the Conservation of Migratory Species of Wild Animals.
Inilabas ng Palasyo ang nasabing kautusan na layong matiyak ang maayos, matagumpay at ligtas ang mga gagawing aktibidad sa nabanggit na petsa.
Gayunman, inatasan ng Executive Secretary ang mga apektadong ahensya na ituloy pa rin ang pagbibigay ng serbisyo sa kani-kanilang satellite offices.
Habang mananatili naman ang trabaho ng secretariat ng ASEAN Summit na nakabase sa PICC main building para tupadin ang kanilang normal na trabaho sa kasagsagan ng naturang okasyon.