Hindi na kailangan ng voter’s ID ang sinumang nais kumita ngayong naka lockdown ang Luzon.
Sa pamamagitan ito nang pag-a-apply para sumali sa government disinfection drive laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay na minimum na suweldo ang matatanggap sa 10 araw na disinfection drive at ang interesado rito ay dapat mag apply sa kanilang barangay officers.
Ang programa, ayon kay Tutay ay bukas sa informal sector o yung walang mga employer, kabilang ang public utility vehicle drivers, laundry women, vendors, at iba pa.
Isa lamang aniyang miyembro ng kada pamilya ang maaaring makasama sa programa na naglalaan ng 200 slot sa kada barangay.
Sinimulan na ang nasabing programa sa ilang bahagi ng Metro Manila tulad ng Quezon City at Valenzuela at posibleng ipatupad na rin sa mga lalawigan.