Isang negosyanteng nagpapautang ng pera ang patay matapos pagbabarilin ng isang hindi kilalang salarin sa Antipolo City, Rizal.
Kinilala ang biktimang si Teodoro Virgilio Castellon habang nakatakas ang gunman.
Ayon sa Antipolo City Police, nasa loob si Castellon sa kanyang pag-aaring Castellon Poultry Supply sa Sitio Malaking Parang, Barangay San Jose nang maganap ang insidente.
Bigla umanong sumulpot ang hindi nakilalang lalaki at pinaulanan ng bala gamit ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Castellon na agad nitong ikinamatay.
Inaalam na ang motibo sa pamamaslang at kung may kaugnayan ito sa negosyo ng biktima maging ang pagkakakilanlan ng salarin.—sa panulat ni Drew Nacino