Papayagan nang makapasok sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan na may ‘trader’s visa.’
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang naturang hakbang ay bilang pagtugon sa resolusyong inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) na mas pinalawak pa ang coverage o sakop para sa mga dayuhang pupwedeng makapasok ng bansa ngayong nasa gitna tayo ng nagpapatuloy na COVID-19 crisis.
Paliwanag ni Morente, alinsunod sa batas, binibigyan ng 9d visa ang mga dayuhan na mamumuhunan o makikipag-kalakalan sa bansa, pati na rin ang kanilang asawa, anak at mga manggagawa.
Mababatid na kabilang sa pahihintulutang makapasok ng bansa, ay ang mga dayuhang may visa na inisyu ng mga economic zones gaya ng freeport area of Bataan, Clark Development Corporation, at Cagayan Economic Zone Authority.
Kasunod nito, inaasahang makakatulong ang naturang hakbang sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.