Tahimik na ipagdiriwang ngayong araw ng lungsod ng San Juan ang kapistahan ng kanilang patron para sa taong ito taliwas sa naka-ugaliang masayang basaan.
Batay sa inilabas na kautusan ni San Juan City Mayor Francis Zamora, layon nito na tutukan ng mga taga-San Juan ang ispirituwal na aspeto ng kanilang pista ngayong nasa krisis ang bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na sa halip na masaya at mala-madrigas na pagdiriwang ng pista, ililibot na lang sa buong lungsod ang imahe ng kanilang patrong si San Juan upang basbasan ang mga mamamayan nito.
Kasunod niyan, naglabas din ng executive order si Zamora na nagbabawal sa tradisyunal na basaan upang maiwasang kumalat ang virus na mabilis mailipat sa pamamagitan ng droplets.
Nanawagan naman si Zamora sa kaniyang nasasakupan na manatili na lamang sa kani-kanilang kabahayan at tahimik na ipagdiwang ang kanilang pistang bayan bilang upang ang kaligtasan ng lahat ang siya namang maging kanilang alay para sa mahal na patron.