Ipagpapatuloy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tradisyunal na pagpapatupad ng tigil putukan tuwing Kapaskuhan.
Tiniyak ito Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP sa kabila taon taong paglabag ng New People’s Army o NPA sa idinedeklara nilang tigil-putukan.
Ayon kay Padilla, isang paraan rin ng pagsusulong ng kapayapaan ang ceasefire dahil nabibigyan ng pagkakataon ang mga NPA na umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Una rito, inatake ng NPA ang tropa ng mga sundalo na nagsasagawa ng barangay visitation sa Camarines Sur gayundin sa Surigao, Compostela Valley at Bukidnon sa kabila ng idineklarang ceasefire ng magkabilang panig.
“May kasabihan nga na ‘hope springs eternal’ at ito ay aming pinaniniwalaan na maaaring kahit papano patuloy nating gagawin ito, maski paulit-ulit bilang traditional gesture sa panahon ng Kapaskuhan at ito’y pinaniniwalaan nating maaaring magdulot ng katahimikan sa ating lugar matapos na maramdaman ng ating mga kapatid na nawalay ang pagmamahal ng kanilang pamilya sa panahon ng Kapaskuhan.”
“Matagal na po kasi silang nasa bundok at malayo sila sa kanilang mahal sa buhay at kung saka-sakali kung maramdaman nila ang pag-aaruga at pagmamahal ng kanilang mahal sa buhay sa panahon ng Kapaskuhan, mag-udyok sana sa kanila ito na ibaba na ang kanilang armas at renounce na nila ang arms struggle.” Pahayag ni Padilla.
By Len Aguirre | Ratsada Balita