Tuloy na ang pagbabalik operasyon ng mga tradisyunal na jeep at UV express sa susunod na linggo, matapos ang tatlong buwang pagpapatupad ng ban sa dito bilang bahagi ng quarantine protocol laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang tiniyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra, bagama’t mauuna aniya ang mga UV express.
Paliwanag ni Delgra, alinsunod sa inilatag na polisiya ng Department of Transportation sa hierarchy ng public transport na inaprubahan ng IATF, mauunang magsimulang bumiyahe ang mga UV-express simula sa Lunes.
Mayroon na aniya silang tinitignang tatlumpung ruta para sa pagpasada ng UV express.
Habang sa mga susunod na araw naman sa kaparehong linggo, sisimuilan na rin aniya ang pagpapabiyahe sa mga tradisyunal o lumang jeepney.
Sinabi ni Delgra, isinasaayos na ang ruta ng mga bibiyaheng jeep na posibleng ipalabas ngayong araw o bukas.