Hindi muna magsasagawa ng programa, parada at flyby ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaalinsabay na rin ng kanilang ika-86 na anibersaryo ngayong araw.
Ayon kay AFP Chief of Staff, Lt/Gen. Andres Centino, layon nitong bigyang daan ang nagpapatuloy na humanitarian at disaster relief operations para sa mga sinalanta ng bagyong Odette.
Sa halip na pagdiriwang, minabuti ng AFP na gawing mas makabuluhan ang kanilang anibersaryo sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa bilang bahagi ng munting paggunita sa kanilang simulain.
Napapanahon ito ani Centino bilang pagpapahalaga sa tunay na layunin ng kanilang samahan na magpahalaga at magsakripisyo para sa bayan at kapwa Pilipino lalo na ngayong kapaskuhan.
Kasabay nito, nagbigay pugay si Centino sa lahat ng mga miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na handang isakripisyo ang sariling buhay sa pagganap sa tungkulin. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)