Hindi na magkakaroon ng tradisyunal na salubungan sa mas pinasimple at mas pinaliit na selebrasyon ng ika-31 anibersaryo ng EDSA People Power ngayong taon.
Ayon kay Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, gaganapin na lamang ang seremonya sa loob ng Camp Aguinaldo dahil dito naman nagsimula ang People Power.
Aniya, hindi naman babawalan ang mga nagbabalak na magkilos-protesta bilang pagrespeto sa kalayaan ng pamamahayag na siyang naging bunga ng EDSA Revolution.
Hindi naman makumpirma ng mga opisyal ang Malacañang kung dadalo ba ang Pangulo sa magiging pagdiriwang sa February 25.
Una nang pinabulaanan ng Malacañang na ang pagiging close ng Pangulo sa Pamilya Marcos ang dahilan ng pagbabago sa tradisyunal na selebrasyon ng EDSA People Power.
Samantala, naniniwala naman si Vice President Leni Robredo na karapat-dapat na magkaroon ng mas maayos na paggunita ang EDSA sa halip na simple at tahimik tulad ng inihanda ngayon taon.
Aniya, ang paggunita sa kasaysayan ng ating bansa ay magbibigay ng mas malinaw na direksyon sa hinaharap.
By Rianne Briones
*Presidential Photo