Balik-operasyon na sa National Capital Region (NCR) ang mga tinaguriang ‘Hari ng Kalsada’ na mga tradisyunal na jeepney sa darating na ika-3 ng Hulyo.
Ito ay makaraang payagan ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa inilabas na memorandum circular ng LTFRB, sakop ng naturang balik-operasyon ang nasa higit 6,000 mga unit ng mga jeep na bumabyahe sa 49 na mga ruta.
Maliban sa mga ruta rito sa Metro Manila, binuksan din ang ilang ruta na papalabas ng NCR.
Pero paliwanag ng LTFRB, dapat ay rehistrado sa Land Transportation Office (LTO) ang mga unit ng jeep, at kailangang din na may valid personal passenger insurance policy ang mga ito.
Bukod pa rito, inatasan ng LTFRB ang mga operator nito na regular na inspeksyunin ang lagay at temperatura ng kani-kanilang mga driver bago magsimulang bumiyahe.
Bago naman sumakay ang mga pasahero, kakailanganin nitong sumailalim sa mga health protocols tulad ng thermal scanning at pagtapak sa footh bath sa mga terminal, gayundin ang pagsagot sa isang passenger contact form, na magagamit naman sakaling magsagawa ng contact tracing.
Habang ang mga driver naman na magmamaneho ng mga jeep ay kailangang nakasuot ng facemask.
Samantala, iginiit ng pamunuan ng LTFRB na walang pagtaas sa pasahe sa mga jeep –P9 pa rin ang minimum fare at madadagdagan lamang ito ng P1.50-piso kada susunod ng mga kilometro.