Hinimok ni Transportation Secretary Arthur Tugade si Senador Francis Tolentino na isulong ang panukalang mabigyan ng emergency powers ang Pangulong Rodrigo Duterte bilang solusyon sa problema sa trapiko.
Kasunod na rin ito nang pulong nina Tugade at Tolentino sa senado para talakayin ang mga detalye ng panukala na binabalangkas ng senador.
Nais nina Tugade at Tolentino na maging komprehensibo ang panukala at maayos itong mailatag sa pangulo kapag malinaw na ang mga detalye at proseso.
Mapapaganda pa anila ang panukala kapag isinailalim na ito sa deliberasyon ng kongreso.
Naniniwala si Tolentino na ang traffic congestion sa Metro Manila at iba pang urban areas ay isa nang national emergency na nangangailangan ng agarang aksyon.
Sa panukalang emergency powers, si Tugade, sa ilalim ng direct supervision ng pangulo, ay tatayong traffic crisis chief na magtatrabaho para mapabilis ang pagkumpleto sa transportation related infrastructure projects, pagresolba sa right of way issues at pagpasok sa direct contracting at iba pang alternative modes n procurement.