Hindi na papayagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gumamit ng cellphone ang mga traffic enforcers habang nasa gitna ng kanilang duty o trabaho.
Ayon kay MMDA acting Chairman Atty. Romando Artes, maghihigpit ng sinturon ang kanilang ahensya sa pagbabantay sa mga pangunahing kalsada ngayong holiday season.
Sinabi ni Artes na ang sinomang mga tauhan ng MMDA na mapapatunayang lumabag sa ipinatutupad na kautusan, ay posibleng maharap sa kasong administratibo.
Bukod pa dito, mahigpit ding ipagbabawal ng ahensya ang mga traffic enforcers na tinatawag na “Abangers” o yung mga nagtatago umano sa dilim at lalabas lamang tuwing may mahuhuling traffic violator.
Dahil dito, magpapakalat ng monitoring team ang MMDA sa National Capital Region, para bantayan ang performance ng kanilang mga tauhan.