Inilatag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa House Committee on Transportation ang kanilang traffic plan para ngayong kapaskuhan at para sa Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, simula November 11, ang mga malls ay magbubukas na ng alas-11 ng umaga.
Mangangahulugan anya ito ng 200,000 empleyado ng malls na magsisimula lamang bumiyahe ng alas-8:30 ng umaga o patapos na ang ‘rush hour’.
Limitado na rin mula alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga ang pagdedeliver ng mga produkto sa malls.
Samantala, banned na rin ang lahat ng mall sales mula Lunes hanggang Biyernes, maliban sa November 15 dahil nauna na itong nai-anunsiyo ng mall.
Para naman sa SEA Games na gaganapin mula November 30 hanggang December 11, sinabi ni Garcia na magpapatupad ng ‘stop and go scheme’ ang MMDA.
Hiniikayat din ni Garcia ang lahat ng paaralan na malapit sa mga venue ng SEA Games tulad ng Rizal Memorial Stadium na magkansela na muna ng klase sa panahon ng SEA Games.