Aprubado na ng Metro Manila Council na binubuo ng mga metro mayors ang ilang traffic proposals ng Metropolitan Manila Development Authority.
Una rito ang pagtatalaga ng non-exclusive motorcycle lanes sa Marcos Highway mula Katipunan Avenue hanggang Sumulong Highway pabalik; Roxas Boulevard mula NAIA-MIA Road hanggang Anda Circle pabalik at Elliptical Road hanggang Quiapo partikular sa Quezon Avenue, España, Lerma at Quezon Boulevard pabalik.
Ito, ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ay bunsod ng matagumpay na implementasyon ng non-exclusive motorcycle lanes sa EDSA, Diosdado Macapagal Boulevard, Commonwealth Avenue at CP Garcia Avenue na layuning disiplinahin ang mga rider at mabawasan ang kanilang kinasasangkutan.
Inaprubahan din ng Metro Manila mayors ang resolusyong nag-a-amyenda sa Uniform Light Truck Ban Policy na nagbabawal sa mga cargo truck na may bigat na 4,500 kilograms pababa na dumaan sa EDSA at Shaw Boulevard.
Sa ilalim ng resolusyon, ipagbabawal ang mga maliit na truck na dumaan sa EDSA at Shaw simula 5:00 ng madaling araw hanggang 9:00 ng gabi upang mabawasan ang traffic congestion sa EDSA, mula Magallanes, Makati hanggang North Avenue, Quezon City at Shaw Boulevard sa Mandaluyong at Pasig cities.