Kasing tindi ng traffic tuwing ‘ber’ months ang nararanasan ngayon na daloy ng trapiko sa EDSA.
Ito ay batay sa pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Lumalabas sa pag-aaral na ang average na bilis ng sasakyang bumaybay ng EDSA noong Hulyo ay 19.30 kilometer per hour (kph), malayo sa itinakdang speed limit sa EDSA na 60 kph.
Karaniwang naitatalang bilis sa EDSA tuwing ‘ber’ months ang 19.54 kph.
Ayon kay MMDA Asst. Sec. Celine Pialago, ngayon ay Agosto pa lamang ngunit kitang-kita na ang pagbagal ng daloy ng trapiko.
Hindi aniya maitatanggi na dahil ito sa pagdami pa ng mga sasakyan sa kalsada.
Aminado rin ang MMDA na kulang ang kanilang enforcers ngunit patuloy daw nilang pinalalakas ang samu’t saring patakaran na mayroon sila gaya ng yellow lane, motorcycle lane, total truck ban, number coding scheme, mabuhay lanes at kolorum.