Magpapatupad ng one way scheme ang Marikina City transportation and management and development office sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue mula sa Barangka flyover hanggang sa Shoe Avenue stoplight.
Layon nitong mabawasan ang masikip na daloy ng trapiko sa lugar partikular na iyong mga tutungo sa mga sementeryo sa lungsod tulad ng Loyola Memorial Park simula alas 12:00 ng tanghali sa Sabado, Oktubre 29.
Dahil dito, inaabisuhan ang mga motoristang papasok sa Loyola na dumaan sa Marcos Highway patungong Barangka flyover o underloop upang makapasok sa A. Bonifacio Avenue.
Magsisilbi namang entrance ng Loyola Memorial Park ang gate 2 at kinakailangang kumaliwa sa Plaza Delas Flores, kaliwa sa kalye Paspasan at kanan naman sa Don Gonzalo Puyat.
Itinalaga namang exit ang gate 1 o main gate ng Loyola kaya’t kinakailangang kumaliwa sa Chorillo at kakaliwa naman sa A. Bonifacio para makarating sa Paspasan.
One way traffic din ang ipatutupad sa bahagi ng Riverbanks Avenue patungong Marcos Highway para sa mga motoristang magmumula sa A.Bonifacio Avenue.
Samantala, pinapayuhan din ang mga may dalang sasakyan na magtutungo sa Loyola Memorial Park na pumarada na lamang sa Riverbanks Mall sa sandaling maubusan na ang parking space sa mismong sementeryo.
By: Jaymark Dagala