Hindi na mauulit pa ang nangyaring trahedya sa Mamasapano, Maguindanao noong isang taon na ikinasawi ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force o PNP-SAF.
Ito ang pagtitiyak ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez sabay paliwanag na magkakaroon na ng koordinasyon ang pulisya at militar sa mga ikakasang operasyon.
Sinabi ni Marquez, may mga naitatag nang institutional reforms at nagkaroon na rin ng redundancy protocol ang PNP at AFP hinggil dito.
Layon aniya nitong matugunan ang kawalan ng koordinasyon kung mangyari man sa mga ikakasang operasyon ng PNP o ng AFP.
Mga benepisyo sa SAF 44 naibigay na lahat—PNP
Samantala, nanindigan ang Pambansang Pulisya na naibigay na nila lahat ng mga benepisyong laan para sa mga pamilyang naulila ng SAF 44.
Ayon kay Sr/Supt. Manuel Abu, pinuno ng PNP Morale and Welfare Division, hindi bababa sa 2 milyong piso ang naibigay na cash benefits ang kanilang naipamahagi.
Kabilang na rito aniya ang kabuuang 4.4 na milyong piso o tig-P100,000 kada pamilya na ibinigay ng dalawang kapulungan ng kongreso.
Maliban pa aniya rito ang kabuuang animnaput siyam at kalahating milyong pisong lump sum benefits na pinaghati-hatian ng pamilya ng Gallant 44.
Kasama rin sa mga ipinamahaging benepisyo para sa mga naulila ng SAF 44 ay ang scholarship para sa kanilang mga anak gayundin ang health insurance para sa buong pamilya nito.
By Jaymark Dagala | Jelbert Perdez | Jonathan Andal