Lusot na sa Kamara ang second package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa botong 187-14 at 3 abstenstion, inaprubahan ng Kamara sa ikalawa at huling pagbasa ang House Bill 8083 o Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities (TRABAHO) bill.
Kabilang sa mga tumutol nina represantatives Miro Quimbo ng 2nd District of Marikina; Edcel Lagman ng 1st district of Albay; Gary Alejano ng Magdalo Party-list at Carlos Isagani Zarate ng Bayan Muna Party-list.
Layunin ng bill na makahikayat ng investments sa pamamagitan ng pagpapaba sa corporate income tax rate sa 20 mula sa 30 percent at i-modernize ang investment tax incentives upang mas maging patas at competitive.
Tinitiyak din sa panukalang ini-akda ni Quirino Lone District Rep. Dakila Cua, chairman ng House Committee on Ways and Means, karagdagang trabaho at pinaghusay na teknolohiya.
Japanese investors at businessmen nababahala sa TRAIN 2
Ikinabahala ng mga Japanese investor at businessmen ang paglusot sa Kamara ng second package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law 2.
Ayon kay Japanese Chamber of Commerce and Industry in the Philippines (JCCIP) Vice President Nobuo Fujii, maaaring ikalugi o magsara ang mga negosyong pag-aari ng mga Hapones sa Pilipinas.
Ito, aniya, ay kung aalisin ng gobyerno ang tax concessions o fiscal incentives ng mga Japanese company.
Nangangamba rin si Fujii na patawan ng karagdagang buwis ang mga nabanggit na kumpanya na nag-o-operate sa loob ng mga special economic zone sa kabila ng exemption sa 12 percent tax.
Kalahati ng halos 700 miyembro ng JCCIP ay matatagpuan sa mga special economic zone partikular sa Subic Freeport Zone at mga industrial park sa mga lalawigan ng Pangasinan at Batangas.
(Ulat ni Jill Resontoc)
Train2 nakapasa na sa 3rd reading sa Kongreso @dwiz882
— Jill Resontoc – DWIZ -882 AM radio (@JILLRESONTOC) September 10, 2018