Epektibo na ngayong unang araw ng 2018 ang ipinasang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na inaasahang magiging susi sa pag – unlad ng bansa gayundin sa buhay ng bawat Pilipino.
Simula ngayong Enero 1, hindi na dapat patawan ng buwis ang mga manggagawang sumusuweldo ng dalawangdaan at limangpung libong piso (P250,000.00) pababa kada taon.
Gayunman, asahan na ang otomatikong pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo maliban sa malikot na presyuhan ng langis sa world market.
Batay sa kuwenta ng pamahalaan, nasa dalawang piso at limangpung sentimos (P2.50) ang otomatikong dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel at auto LPG.
Aabot naman sa dalawang piso at animnapo’t limang sentimos (P2.65) ang otomatikong dagdag presyo ng gasolina habang nasa tatlong piso (P3.00) naman sa kerosene at piso (P1.00) ang otomatikong dagdag sa presyo ng LPG o cooking gas.
Asahan din ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin partikular na ang mga matatamis na inumin at mga sasakyan dahil sa dagdag buwis na ipapataw dito.