Positibo si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno na ang pagpapatupad ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law packages ay magbibigay ng mas maraming oportunidad o trabaho sa mga Pilipino.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ng kalihim na sa nakaambang package 2 ng TRAIN, bababaan ang corporate income tax ng mga kumpanya na maghihikayat ng mga negosyante na mamuhunan sa bansa.
Binigyan diin ni Diokno ang kahalagahan ng ‘Build Build Build’ program na popondohan ng TRAIN upang masolusyunan ang ilang suliranin sa bansa kagaya ng traffic, unemployment, edukasyon, at ilang hinaing ng karamihan ng mamamayan sa ilang serbisyo na ibinibigay ng gobyerno.
“Kailangan natin ng magandang edukasyon, health services etc., saan tayo kukuha ng pera? so kailangan ayusin ang infrastructure natin.”
“Kailangan natin ang ‘Build Build Build’, alam mo we are the poorest infrastructure here in the Philippines. kumpara mo sa Singapore, Malaysia, Thailand, even Vietnam. Tayo ang may pinakapangit na infastructure, so kailangan nating gastusan yan.” Ani Diokno
Aniya sa limang packages na nilalaman ng TRAIN, tanging ang package 1 at 2 lamang ang pinaka-kumplikado.
“Lima ‘yan sa pagkakaintindi ko, pero ang pinaka-complicated lang diyan ay ‘yung package 1 and 2, nung natapos yun meron 1A, meron 1B. ‘Yung package 2, babaan natin yung corporate income tax pero ira-rationalized natin yung mga masalimuot na fiscal incentives.” Pahayag ni Diokno
Gayunman, siniguro ni Diokno sa publiko na ang TRAIN 1 ay walang masamang epekto sa mga manggagawa at iginiit na nagbibigay sila ng conditional cash fund sa mga mahihirap.
Matatandaang isinisisi sa implementasyon ng TRAIN ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin sa merkado ngayon.—MM (Social Media Writer)
(Ratsada Balita Interview)