Umaasa ang labor group na Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP na pag-iisipan pang mabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN bago ito pirmahan.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, sugar coating o panamis lamang ang ginawa ng mga mambabatas sa niratipikahang Tax Reform Bill.
Iginiit ni Tanjusay na bagama’t pinalawak sa nasabing panukala ang mga magiging exempted sa income tax higit na mas marami pa rin aniya ang maapektuhan ng ilang probisyong nakapaloob sa TRAIN tulad ng posibleng pagtaas ng mga pangunahing bilihin, produktong petrolyo at singil sa kuryente.
Aniya, mahigit 15 milyong mga informal workers o mga walang regular na trabaho tulad ng mga jeepney, pedicab, tricycle at taxi drivers, street vendors, mangingisda at ibang pang maliliit na mangagawa ang maaapektuhan nito.
Kasabay nito, ipinanawagan ni Tanjusay ang pagbibigay ng pamahalaan ng subsidy o cash for work sa mga informal workers na tiyak na tatamaan ng pagpapatupad ng Tax Reform Bill.
“We trust the wisdom of the President, sana makita niya at maramdaman niya ang epekto nito at kami naman ay hindi naman namin tinututulan ang lahat ng provision ng tax reform bill na ito, ang tinututulan nga lang namin ay mga probisyon na nakakasama sa ating informal sector workers kung kaya’t ang aming panukala ay magbigay siguro ng subsidy, cash for work, magbigay ang gobyerno ng trabaho at mabibigyan sila ng sahod para maka-cope sa pagtaas ng bilihin kapag naipatupad na ang tax reform bill.” Pahayag ni Tanjusay
(Ratsada Balita Interview)