May go signal na ang Gilas Pilipinas para mag-training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Kabilang sa mga sasailalim sa training camps ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang full time Gilas players na pinili nila mula sa 2019 at 2021 PBA rookie drafts.
Pasok dito anito sina Rey Suerte, Mike at Matt Nieto, Isaac Go ng batch 2019, William Navarro, Jaydee Tungcab, Jordan Heading at Tzaddy Rangel mula sa batch 2021.
Inaasahang makakasama rin sina Ateneo center Ange Kouame, Sj Belangel, Rj Abarrienteso, Carl Tamayo, Jason Credo, Geo Chiu at Lebron Lopez.
Una nang nagsagawa ng training ang Gilas noong Enero para sa FIBA asia cup qualifiers subalit natigil ito nang ipagpaliban ang tournament at isinagawa muli ang training noong Marso subalit natigil na naman nang magpatupad ng mahigpit na quarantine protocols ang gobyerno.