Kasado na ang training modules ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa mga lokal na opisyal na uupo pagkatapos ng 2016 elections.
Ayon kay DILG Secretary Mel Senen Sarmiento, pangunahing tatalakayin sa naturang seminar ang mga dapat gawin ng opisyal sa bawat lokalidad sa panahon ng kalamidad.
Ang module ang magsisilbing gabay ng local officials para maayos na mapangasiwaan ang kanilang constituents sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol, flashflood at landslide.
Inamin ni Sarmiento na isang mahirap na gawin kapag may kalamidad ay ang paghimok sa mga residente na lisanin na ang mga peligrosong lugar.
Kasabay nito, hinimok ni Sarmiento ang local government units na magkasa ng mahigpit na ordinansa na makakatulong para matiyak ang zero casualty sa kanilang mga nasasakupan tuwing may bagyo.
By Judith Larino