Patuloy ang pagsailalim sa training sa paggamit ng yantok ang mahigit 300 police trainees ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kahapon sinimulan ang pagsasanay sa paggamit ng yantok ng 316 police trainees bilang bahagi ng defense tactics o self defense.
Ang nasabing training ay requirement din bago isabak ang mga ito sa field matapos maggraduate.
Binigyang diin ni NCRPO Director Brigadier General Vicente Danao na napapanahon ang pagsasanay ng yantok para sa pagpapatupad ng batas at pagliligtas ng ating mga kababayan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Una nang ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas sa mga pulis na gumamit ng baton o yantok sa pagpapatupad ng physical distancing ngayong holiday season.