Nanawagan ang Drugstores Association of the Philippines (DSAP) na magsagawa ng training bago ang pag-arangkada ng pilot vaccination kontra COVID-19 sa mga botika.
Aminado si DSAP Chairman of the Board Jovelun Blancaflor na wala pang nabibigyan ng training sa kanilang mga pharmacist kahit ngayong araw na ang simula ng pilot run.
Bagaman ikinukunsidera anya ng gobyerno na gawing vaccination site ang mga botika ay hindi pa sila handa na magbakuna sa publiko.
Nauna nang inihayag ni health undersecretary Maria Rosario Vergeire na pitong botika pa lamang ang kabilang sa inisyal na booster vaccine rollout ngayong araw at bukas.
Samantala, tiniyak naman ni testing czar at presidential adviser for COVID-19 response secretary Vince Dizon na palalawakin pa ang pagbabakuna sa mga botika at ilang klinika sa mga susunod na linggo. —sa panulat ni Mara Valle