Kasado na ang training program ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA para sa mga apektado nang pag aalburuto ng bulkang Mayon.
Layon ng naturang programa na matulungan ang mga apektadong residente na maging abala at kumita habang namamalagi sila sa mga evacuation center.
Ipinabatid sa DWIZ ni TESDA Deputy Director General Alvin Feliciano na nagsimula na sila noong Sabado sa pagtuturo ng paggawa ng face mask sa mga evacuee at mga susunod na araw ay ilalarga na rin nila ang training sa pag manicure, pedicure, paggawa ng tinapay at pagmamasahe.
“Ang initial steps namin yung mabibilis na training na lang although alam nating medyo matatagalan pa bago sila makabalik sa kanilang mga tahanan, halimbawa yung manicure, pedicure, massage, pastry making, baking, yun ang mga una nating itinuro pero tuloy-tuloy naman ang ating programa when it comes to training towards scholarships program na i-iikot natin na habang nasa evacuation centers sila may pagkakaabalahan sila and after the Mayon meron silang pupuntahang hanap-buhay na makakatulong sa kanilang pagkakakitaan.” Pahayag ni Feliciano
(Balitang Todong Lakas Interview)